Wednesday, November 21, 2012

KUNWARI..


Kunwari’y abot niya ang ilalim ng dagat
Kayang gawing amihan ang hanging habagat.
Kunwari’y sakay siya ng malambot na ulap
At ang bango ng paligid kanyang nalalanghap.


Kunwari’y nalakbay niya ang tayog at lawak
Ng mundong ito na Diyos ang may hawak.
Kunwari’y umaga pati ang dapithapon
At kaya niyang kausapin ang wika ng ibon.


Kunwari’y nabilang niya ang bituin sa langit
At makitang sa kanya  ito’y papalapit.
Kunwari’y nakangiti ang mundong may hapis
At napapasayaw niya ang agos sa batis.


Ngunit sa katahimikan na lang ng gabi
Kanyang naibubulong ang gustong masabi.
Ipinagbibilin na lang niya sa kanyang panaginip
Ang mga salitang sa pagbigkas ay naiinip.


Ang mga labi niyang sa salita’y naumid
Sa kanyang isipan na lang ihahatid.
At ang natatangi niyang kahiwagaan
Patuloy na magtatago sa aking katauhan.

No comments:

Post a Comment