Wednesday, November 21, 2012

ISANG GABI SA 7ELEVEN


Hinding hindi ko makakalimutan yung titig mo na yun the last time na nagkita tayo. Ewan ko pero para kasing nanunuot, na parang may binabasa ka sa mga mata ko, parang sa pamamagitan nun e magagalugad mo ang kalooban ko, kung anong dina-digest ng bituka ko, kung ano nga ang nararamdaman ko that very moment. Sinubukan ko lumaban, tinitigan din kita na parang nagtatanong,"bakit ka ganyan makatingin?". Pero walang salitang namutawi galing sakin, agad din ako nagbawi ng tingin. Ewan, siguro natakot ako na baka mabasa mo nga ang ayoko ipabasa sayo.

Pagkatapos, hinawakan mo kamay ko. Mahigpit. Yun na ata yung pinakamahigpit mong hawak sakin. Tapos yumuko ka na, habang hawak hawak pa rin ang kamay ko. Pinagmamasdan lang kita.

Parang antagal ng moment na yun for me. Nakaupo tayo pareho sa loob ng 7eleven, bandang alas-tres ng madaling araw. Hawak mo kamay ko habang nakayuko na parang ewan. At titig na titig lang ako sa ginagawa mo. Hahay, lasing ka na naman at umiikot na siguro paningin mo.

"Na-miss kita."

Nagulat ako pero syempre di ko pinahalata. Sabay sabing "Weh?!"

"Oo nga. Ikaw ba, di mo ko miss?"

Lintek, ang cute mo magpa-cute. At ayun, nasilayan kong muli ang dimples mo. Hay jusko, nalaglag ang puso ko.

"Hindi noh, asa ka!"

At ngumiti ka lang. Di mo na ko pinilit umamin. Marahil dahil nabasa mo na nga sa mga mata ko na kanina pa kita gustong dambahan ng sang milyong yakap at halik.

"Tagal na rin natin di nagkita noh?" - tanong mo.

"Yup, mga 2 months na."

"Tagal na nga pala. Na-miss nga kita."

Change topic kagad ako, "Sabi mo last time, nagpakalbo ka. Hindi naman eh". Sabay sabunot sa buhok mo na parang tatlong araw na di nabahiran ng shampoo dahil sa tigas at gulo.

Napatingin ako sa itsura mo. Nakapambahay. Nakatsinelas. Oo nga naman, napakalapit lang pala ng bahay mo mula dito. Naka-earphone, soundtrip. Naks, may bago pa lang ipod. Sabi pa nabili nya lang ng 2k dahil crush daw sya nung babae na nagbenta sa kanya. Ngumiti lang ako.

Amoy alak. Sus, kelan ba kita nakasama na hindi ka nakainom? Parang walang moment na ganun.

May hawak hawak na yosi. Palagi ko sinasabi kahit kanino na super turn off ako sa tao na naninigarilyo. Na sa lahat ng bisyo, yun ang pinaka-ayaw ko. Pero ewan, pagdating sayo grabe busog ako kasi kinakain ko yung mga salita ko na yun. Hindi naman sa gusto ko na nagyoyosi ka. Nadadagdagan lang yung appeal mo para sakin pag nakikita ko na may nakasupalpal na sigarilyo jan sa bunganga mo.

"Nauuhaw ako, bilhan mo ko tubig. Wag yung malamig." Utos ko sa kanya. Tapos ko na kasi kainin yung binili kong tinapay.

"Akina pambili?"

Napanguso ako. "Grabe ka naman, tubig na nga lang nirerequest ko eh. Yung pinakamura lang, okay na yun. Kahit maliit lang. Sige na nauuhaw na ko".

At tumayo ka na para bumili.

Napailing na lang ako habang nangingiti. Oo nga pala, tinext mo ko kanina na wala kang pera kaya ako muna manlilibre sayo sa "date" natin. At hindi man lang ako nagdalawang isip sa pagpayag. Lumarga kagad ako kahit kalaliman na ng gabi.

Maya-maya nakabalik ka na.

"Sabi ko wag yung malamig eh", angal ko.

"Yaan mo na, iinom din ako".

Tsk!

At pagkatapos nun, huntahan magdamag na. Kung pano ka nalasing, kung panung bankrupt ka, kung panu ka pumapasok ng late sa school at kung panu ka hindi pumapasok sa school, kung ano mga escapades nyo ng tropa mo, kung bakit habulin ka ng mga bading, kung bakit pati mga bata sa lugar nyo eh ikaw ang gusto pakasalan, kung bakit kaylangan pang mag-aral at marami pang mga out-of-this-world mong kwento.

Nakatitig ako sayo habang nagkukwento ka, pilit sinesegregate sa utak kung alin sa mga kwento mo ang totoo o pangarap pa lang magkatotoo.

Talent mo talaga yun, ang dumakdak ng dumakdak. Pero may sense naman lahat. At natutuwa ako sa lahat ng yun. Sa isip ko, kahit hindi lang buhay mo ang ikwento mo, kahit isama mo na yung sa kapitbahay nyo or yung buhay ng mga tambay sa eskinita nyo, oks lang yun. Kahit abutan pa ng magdamag. Masaya pa rin ako. At ngingiti pa rin ako. Hinding hindi ako magsasawa at mapapagod makinig at rumeact.

Parang energy drink sakin ang boses mo pati mga tawa mo. Hindi ako inaantok. Parang nahi-hypnotize ako sa bawat pagbukas ng labi mo. Siguro kung wala lang tayo nun sa tindahan eh kanina pa kita ninakawan ng halik.

Ilang oras ang lumipas, patuloy ang kwento. Pero may isang topic ako na pilit iniilagan. Akala ko rin hindi mo yun maiisip.

"Kamusta na kayo ng boyfriend mo?" Bang!

"Wala!" Yun lang nasabi ko. Biglang nag-hang ang utak ko. Sinipag mag-pump ang heart ko.

"Panong wala?"

"Wala na kami." Yun na. Kung kanina eh halos idikit ko mata ko sa mata nya, ngayon pilit ko iniiwas magtama paningin namin.

"Basta!"

"Bakit nga?"

"Eh ayoko na eh." At napakabilis kong sumagot na parang gusto ko na i-end ang topic na yun.

"Ayaw mo na sa kanya? Bakit? Eh diba matagal na kayo nun?"

"Eh ayoko na nga kasi. Kulit naman. Basta ganun."

Tapos sandaling katahimikan...

At ayaw talaga magpaawat ng bunganga mo. Feeling ko eh binuhusan ako ng nagyeyelong tubig sa sumunod mong tanong.

"Dahil ba yun sakin?"

Mahabaging langit, gusto ko lamunin ng lupa at that very moment.

"Sus!" sabay nguso. Yun lang kaya kong gawin at isagot. Humihiling sa langit na sana ay hindi ako i-betray ng facial expression ko.


But no! Hindi siguro talaga kayang i-deny ng nguso ko ang katotohanan.

"Totoo ba talaga yung sinabi mo sakin last time?" Kitang kita ko sa mga mata mo ang panunukso. Nakangiti pa ang walanghiya.

Syempre, si nguso na naman ako. "Hindi noh, lasing lang ako that time kaya ko nasabi yun."

Pero wa epek. Huling huli mo na talaga yung kilig ko. At kitang kita mo na spark sa mga mata ko.

Alam mong nagsisinungaling lang ako. Pero ano ba talaga dapat kong reaction diba?

Pano ko ba ipo-portray sa harapan mo na ako yung babae na two months ago eh umamin sayo na mahal na kita? Pano ko rin ba itatago sayo yung sakit nung sinabi mo sakin na hindi tayo pwede? Pano ko ba ipapakita sayo yung pagkukunwari na okay lang sakin yun? Pano ko ba ipapagyayabang sayo yung tapang ko, na kahit basted ako sayo eh andito pa rin ako sa harap mo, kinakausap ka, nakikitawa at nakikipagbiruan na parang walang nangyari?

Hindi ko alam.
Hindi ko rin alam kung alam mo bang seryoso ako nung sinabi ko sayo yun. Kasi nga naman pag magkasama tayo, twing tulog lang tayo seryoso.

Pero siguro okay na rin yun.
Na nasabi kong mahal kita.
Bahala ka na kung ano gusto mo isukli dun.
Bahala na ang universe gumawa ng paraan pag tagpuin yung mga kaluluwa natin (soulmate hehe).
Bahala na si Batman sa 'tin.
At bahala na ko sa sarili ko kung pano ko hihilumin yung sarili ko. O kung hihilumin ko nga ba or patuloy na papatakan ng kalamansi yung sugat para di ako makatulog. Ayoko kasi na paggising ko eh wala ka na.

Gusto ko anjan ka lang para sa kin. Kahit bilang kaibigan. Basta anjan ka. Masaya na ko.

No comments:

Post a Comment