Paalala: Ang inyong mababasa ay pawang kathang-isip lamang. Ito ang dagta ng isang malikhaing kukote sa katauhan ni tetetrara. Anumang pagkakahawig sa mga tauhan, lugar at pangyayari na nakapaloob sa kwentong ito ay hindi sinasadya at pawang aksidente at nagkataon lamang. Pramis!
Eto na! Start!!!
______________________________________________________________
“Asan ka na?”
Walang duda, sa’yo galing ang text message na ito na kare-receive ko lang. Hindi dahil sa memoryado ko ang number mo kahit hindi ko ito i-save sa phonebook. Hindi dahil sa bumabakat ang fingerprints mo pag nag-a-appear sa cellphone ko. Hindi dahil sa nakikita ng mala-teleskopyo kong mata ang DNA mo bawat message na pinapadala mo. Kundi dahil ikaw lang naman ang kanina ko pa kapalitan ng text, ikaw lang naman kanina pang nangungulit at tumatawag sa akin sa kadahilanang hindi maabot ng naguguluhan kong isipan. Sino pa ba iba kong pagdududahan, diba?
Ewan ko ba. Nawala na sa isip kong i-save ang number mo at lagyan ng pangalan mo. Siguro dahil ayoko na rin makita pa ang pangalan mo na nagpa-flash sa screen ng cellphone ko. Dahil siguro ayoko nang maramdaman ulit ‘yung abnormal na pagtibok ng puso ko ‘pag nalalaman kong galing sa’yo ang text o tawag. ‘Yung parang sinupalpalan ka ng hollowblocks sa lungs at dagling natigilan ka sa paghinga.
Napabuntung-hininga ako. Nakatitig sa message mo. Napaisip. Sabay nguya ng twister fries. Ewan ko ba kung bakit ito naisipan kong orderin kanina. Napangiwi ako. Bakit nga ba kailangang gawing komplikado ang mga bagay-bagay? Tulad na lang nitong pinaikot-ikot na patatas na ‘to. Pinahihirapan lang nila mga sarili nila. Pareho lang naman lasa nito kumpara sa tuwid na mga fries. But then, sabi nga, life has its own twists and turns. Siguro dun nakuha ang konsepto ng paggawa ng ganitong kakaibang fries. Para nga naman daw exciting. Ewan.
Binalikan ko ang text mo. Nag-type.
“Andito lang ako sa bandang gilid mo. Tanaw ko nga ang nagugulumihanan mong pagmumukha eh.”
Muli kong pinasadahan ang reply ko. After 10 seconds of thinking, pinaharurot ko ang backspace key. Ibinalik sa bag ang cellphone. At muli, pinagmasdan ka nang taimtim mula sa di kalayuang sulok ng fast food chain na ‘yun. Siguro kung matyaga ka lang magmasid, kanina mo pa ako nahuling nagtatago sa likod ng mapagbigay at matulunging dingding na ‘yun. Siguro kung ini-activate mo lang ang peripheral vision mo, masisilip mo na kanina pa ako pasulyap-sulyap sa pinagpala mong gwapong mukha. At kung hindi mo sana pinapairal ‘yang kakapalan ng balat mo, mararamdaman mo din ‘yung tagusang pagtitig ko sa’yo. Parang detective lang. Pinagmamasdan at pinag-aaralan ang bawat kilos mo, ang bawat paghigop mo sa coke float, ang pagtingin-tingin mo sa cellphone mo habang inaantay ang reply ko, ang paminsan-minsang pagtanaw mo sa pintuan sa tuwing may bagong papasok.
Ramdam ko ang sobrang pagkainip mo. Kung tama ang calculation ko eh mga kalahating oras ka na nakaupo sa pwesto mo na yan. Di ko lubos maisip kung papano mong napaabot ng ganun katagal ang coke float mo, ang nag-iisa mong inorder kanina. Natatawa pa ko sa hitsura mo kanina habang nakapila sa counter. Ang tagal mo kasi pumili, palinga-linga pa. Parang napipilitan ka lang umorder. At ‘yung coke float na lang napagdiskitahan mo. Oo nga naman, nakakahiya nga naman tumambay dun na wala man lang kahit isang order. Pagkatapos umupo ka na sa pwesto kung saan madali mo matatanaw ang mga pumapasok at lumalabas ng kainan na yun. Nagpasalamat ako at nauna ako sa’yo ng mga fifteen minutes doon. Mas may time ako magtago at makapili ng magandang lugar kung saan ikaw ang naging taya sa laro nating taguan.
Nag-vibrate ang cellphone ko.
Sinilip ko. Number mo, tumatawag.
Nanginginig ang mga kamay ko habang nakahawak sa cellphone na nanginginig din. Gustong-gusto ko i-accept ang tawag mo na yun. Pero ano sasabihin ko? Na parating na ko? Na na-traffic lang ako? Yun ay kung maniniwala ka ngang nagkakaron ng traffic ‘pag ganitong alas-dos ng madaling-araw at Linggo pa. At pa’no na lang ‘pag narinig mong pareho pa tayo ng background music di’ba? Ano yun, coincidence? Fate? So deadma, balik sa bag ang cellphone.
Tumingin ulit ako sa’yo. Itinigil mo na ang pag-dial at nakuntento na ulit tumunganga at maghintay.
Gusto kong iuntog ang ulo ko sa lamesa. Pero pinigilan ko sarili ko. Baka nga naman makuha ko pa ang lumulutang mong atensyon. Pero talagang gusto ko magwala at that very moment.
Gustong sumabog ng sarili ko. Nag-aaway ang puso at isipan ko.
Sabi ni puso: Go ‘teh! Lapitan mo na s’ya. Kawawa naman yung tao oh, kanina pa yan jan. kahit ihing-ihi na kalalagok nung coke float nya eh hindi pa rin tumatayo kasi baka nga naman hindi mo sya makita kung sakaling “dumating” ka na. At kailangan nyo rin magkausap, once and for all. Para rin matahimik na ang mga agam-agam mo.
Sabi naman ni isip: Asus! Alam mo naman kung ano dahilan kung bakit gusto ka nya makita ngayon, diba? Kailangan ka lang nya. Gusto nya lang maglabas ng init ng katawan. Yun lang. Hanggang kelan ka ba aasa na kahit papano, mamahalin ka nya ulit? Or minahal ka nga ba niya? At ito i-mighty bond mo sa isip mo, may asawa na siya at may anak na! Kahit kelan, di mo pinangarap maging kabit diba?
Para akong pinaliguan ng nagyeyelong tubig sa huling naisip. Ang lamig.
Ano nga ba’ng ginagawa ko dito ngayon?
Excitement ang nadama ko nung nabasa ko yung text mo kanina bandang hapon. After how many months (and even years), naramdaman ko ulit ang presensya mo. Matagal ko na rin kasi kinondisyon ang sarili ko na wala ka na sa buhay ko. Tapos biglang makakatanggap ng “hi! how are u?” sa’yo. Kanino ba namang puso ang hindi madidislocate dun diba? So ayun, habang patuloy ang pagpapalitan ng mga messages eh dahan-dahan ko rin namang isinasaayos at tinatahi ang puso ko na pansamantalang nawala sa lugar.
Nag-sorry ka sa lahat ng kasalanan mo sa akin. Hindi ko na tinanong isa-isa kung anu-ano ang mga yun. Hindi na rin naman ako interesado pa i-recall ang lahat nang yun. Oo, siguro nga naka-move on na ko. Kasi sa mga oras na yun, pilit ko kinakapa sa puso ko kung masakit pa ba? Pero para namang wala na akong maramdamang sakit. Stable na, ‘ika nga. So nasabi ko na lang na “Okay na yun, past is past.”
“I miss you.”
Leche! Okay na sana eh. Nagbati na nga tayo diba? Kung bakit ba naman pinairal mo na naman ang pagiging kupal mo. And as expected, ikinuwento mo na ang isang paksang para sa akin ay kasumpa-sumpa.
Ang iyong makamundong pagnanasa. Sa akin. Haha.
Ewan ko ba, aminado naman ako sa sarili ko na hindi ako maganda. Para lang akong batang paslit na walang kamuwang-muwang sa mundo. Sex appeal? Sino ba nakaimbento nun? Hindi naman applicable sa’kin yun. Kaya mo nga siguro ako iniwan e. Dahil hindi ako ang ideal girl mo. Hindi ako pumasa sa standards mo.
Pero natatandaan ko rin na hindi yun ang sinabi mo sakin nun nung araw na nakipag-break ka sakin. Una kong tinanong kung bakit, kung may third party ba (at kung may magpa-party din ba ngayon na wala na tayo hehe).
“Walang third party. Minahal kita, alam mo naman yan. Kaya lang hindi ako ang tamang lalaki para sa’yo. You’re too good for me. Gusto ko muna hanapin sarili ko. Gusto ko balang-araw may maipagmamalaki na ako sayo, sa family mo, sa mga kaibigan mo. I’m sorry.”
Yan ang malupet mong break-up lines. Hindi na ko humingi pa ng mga back-up explanations. Gets ko na kagad kung ano ang gust mo ipa-gets. Na ayaw mo na sa akin.
Nang time na yun, bigla ko rin isinumpa yung kabaitan ko, katalinuhan ko at lahat ng mga magagandang bagay na meron ako. Naisip ko siguro kung hindi ako ganun kataas sa paningin nya (Well don’t be too literal, pandak talaga ako hehe.), siguro di siya makikipaghiwalay sa ‘kin. Ewan!
But months passed. At yung months naipon, naging years. Habang ginagamot ko ang aking sugatang puso (naks ambaduy, sarap ko patayin!), na-realize ko, pucha! Bakit kailangan ko sisihin sarili ko? Of all people? Diba?! It’s his lost, not mine. At yun nga, natuto ako mag-move on, not actually kalimutan. More of like sanay nako na wala siya at tanggap ko na na wala na talaga siya.
Di na ko umasa na babalik pa siya.
Hindi na naman talaga. Not until tonight.
At ewan ko ba dito sa abang puso ko kung bakit tinanggap ko pa ‘yung alok mo na magkita tayo ngayon. Ano na naman ba ang iniisip ng kukote ko? Ineexpect ko ba na babalik pa yung dati kong nararamdaman sayo? Umaasa pa rin ba ako na sasabihin mo na sa akin na nahanap mo na sarili mo? Na sasabihin mong “heto na ko ngayon, may maipagmamalaki na ko sayo. so please tayo na ulit?”.
Hindi rin eh. You’re a married man now. A husband. A father.
So bakit mo pa gusto akong makita?
At bakit nga ba andito rin ako?
Why? Oh bakit why?
Daig ko pa ang isang batang nagmamaktol at inaatake ng tantrums. Kasing likot ng paa kong papadyak-padyak at pasipa-sipa sa hangin ang utak ko sa dami ng iniisip. Masama na nga ang tingin sakin ng service crew na kasalukuyang nagliligpit ng mga pinagkainan sa katapat na table ko..
Sinulyapan kita ulit sa pwesto mo. Wala na ang coke float mo. Walang ibang nasa table mo kundi ang cellphone mo at ang mukha mong nakapangalumbaba. And that look, that same old look pag nale-late ako sa mga date natin dati. Pag nakita mo na kaya akong papalapit sayo, mapapalitan ba yan ng expression na parang nabuhayan ng loob with matching sigh of relief tulad ng dati? At pag magkatabi na tayo, sasabihin mo ba kaya ulit ang “Same perfume huh” na naging isa sa paborito kong linya mo dati? (And by the way highway, yup, yun pa rin nga ang gamit kong perfume until now.) Tititigan mo kaya ulit ako ng matagal sa mga mata? Tapos hahawakan sa mga kamay ng mahigpit? At yayakapin sa bewang? Maririnig ko kaya sayo yung dati na pinapangarap kong sambitin mo? Na “I still love you. Please be mine again.”?
Tsk.
“When darkness turns to light,
It ends tonight, it ends tonight.
Just a little insight won’t make this right
It’s too late to fight
It ends tonight.”
Urgh! Parang kutsilyo na nag-bull’s-eye sa puso ko ang kanta na pumapainlanlang sa loob ng fastfood na yun.
Naramdaman ko na lang na tumutulo na luha ko. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko, hindi ko ma-decipher ang kaguluhang nagaganap sa utak ko. Parang buong body parts ko, mapaloob man o mapalabas ay nagwewelga, nag-aaway-away.
Bahagya akong nagulantang nang maramdamang nagvibrate ang cellphone ko.
“Where are you na? I’m still here waiting. Please ***, I really want to see you tonight.” - sabi ng text mo.
Pinahid ko ang mata ko na lumalabo ang paningin dahil sa sunud-sunod na pagpatak ng mga luha. Nanginging akong nag-reply.
“I’m sorry ******, I’m not coming. And please, don’t text or call me anymore. I’m okay now.”
Shit! Napindot ko agad ang send button nang hindi man lang narereview kung tama ba ‘yung tinext ko.
Dali-dali kitang tiningnan habang binabasa mo ang reply ko.
Ano nga ba yung nakita ko? Bahagyang bumagsak ang balikat mo. Lungkot ba yung nasa mukha mo? Regrets? At ang lalim ng buntung-hininga mo.
Tapos tumayo ka na, naglakad patungo sa pintuan. Tinanaw kita hanggang sa labas, hanggang sa pagsakay mo ng taxi.
Naiwan akong nakatunganga. Hindi ko alam ang gagawin. Bakit parang gusto kitang habulin? Bakit ang lungkot-lungkot ng pakiramdam ko? Nanghihinayang ba ako?
“No. You’re not. You just made the right choice.” - sabi ng Angel sa kanan ko.
At natameme na lang yung nasa kaliwa ko, siguro hindi na rin nya alam kung pano susupalpalin ang sinabi ng Anghel.
Pero bakit hindi ko maramdaman na tama nga ang ginawa ko?
Bumalik lang ako sa katinuan ko nang mag-vibrate ulit ang cellphone ko. Galing ulit sayo.
“Good to know you’re okay now. I wish you the best, you deserve it. By the way, cute mo pa rin. Parang bata na naglalaro ng fries. Masaya ako na dumating ka pa rin. Ingat ka pag-uwi.”
~ FIN ~